June 9, 2007 - ang petsang di ko dapat malimutan.
Ay Masaya
Dahil nasa kasagsagan ako ng kalungkutan, at dahil nasa kalakasan ng pagtritrip, gusto ko makita ang mga kaibigan kong malayo sa akin. Pupunta akong Norte. Isang babaeng taga-Timog na di marunong magcommute ang nangahas na pumunta ng Norte ng walang sariling sasakyan. Magaling magaling magaling.

Sa Bataan ako napadpad. Sa Balanga. Umaasa ka bang makikita mo sya dito? Hindi. Umaasa akong maliliwanagan ako at matutulungan ng taong higit na nakakakilala sa kanya. Pero higit sa lahat gusto ko rin talagang makilala na ang mga kaibigan kong taga rito.
Nagkita Ang Mga Adik ng Noypi.org

Uso pa pala ang group EB? Nagkita kami nina Exodus (Bren) at Sempai (Arvin aka Batang Balanga), nakilala ko rin si Roger, si Rod, si Ashley at si Chatty. Nahihiya nga ako e. Ang lakas ng loob kong pumunta rito at para ano? Wala lang! Para mag-adik!
Kulang ang isang araw. Comedy. Nagsama ang mga adik na nagkakailanganan pa. Gusto ko man magtagal, malabong mangyari. Saka problemado pa ako e, ang hirap ng may dalang emotional baggage. Next time, kung welcome pa akong bumalik, lulubusin ko na, yun ay kung pwede nga. ![]()
Wala man ginawa, nag-enjoy parin akong katambay kayo. Enjoy pare. Masaya. Pramis. At least may baon akong masaya sa araw na ito.
Ay Tanga
Warning: wag nyo na basahin kung ayaw nyong makakita ng kadramahan ng isang babaeng nasobrahan sa katangahan.
Hulaan mo bat ako napaiyak ni Arvin nung paalis na ako? Kasi ang tanga tanga ko. Ayaw mo na nga magpakita sa akin, gusto ko parin ipilit. Ang tigas din naman ng ulo ko diba? Sarap i-untog sarili sa pader. Ano napala ko ngayon? Wala!!!
Pumunta akong Olongapo. Sa pagnanais na makausap ka. Baka sakaling pwede pa kita makausap. Shit tanga talaga. Mag-intay raw ba sa wala. Magpakatanga dahil sa lalaki.
Ano nga bang ginagawa mo rito? Hindi ka naman na-aappreciate, Joiz, bat mo pa ginagawa to. Masasayang lang efforts mo, magmumukha ka lang tanga, magmumukha kang kawawa. Ayaw mong kinakaawaan ka diba? Eh bat ginagawa mo to? Dapat dumiretso ka na ng Maynila. Hindi ka nya pupuntahan. Hindi ka mahalaga. Hindi ka nya mahal. Umayos ka nga. Tama na.
Ngayon ko lang na-realize na pang telenobela talaga ang love life ko. Hahaha. Wag kasi ipilit ang bagay na ayaw nga.
Hindi ko lubos maisip na kaya ko gawin yun para sayo. Ito na ang pinaka- sa mga ginawa ko para sa taong mahal ko. Ang magpunta sa isang lugar na di ko alam kung paano uuwi. Ang di siputin ng taong … hay ewan. Ang mag-intay ng para sa wala. Ang walang pupuntahang matino dahil wala na ang last trip. Walang babaeng nasa tamang pag-iisip ang gagawa nito. Grabe! Grabe! Nilusong ko na ang impyerno para sayo. Ang mga martir nga hindi ba dapat pinapatay! Sana nga namatay na lang e, wala na akong mukhang ihaharap kahit kanino. Hindi na ako uulit, sobra sobra na to pero sayo, bale wala lang. Tanga ko talaga.
Nakikiusap ako kung kanino man, pakihanap naman at pakisoli ang nawala sa akin. Naiwan ko kasi ang puso kong lasog lasog sa Olongapo.
Haaay.. so much for falling in love.
Pahabol: Di ko alam kung sadyang di mapakaling walang kausap ung nakatabi ko sa bus pauwi mula San Fernando hanggang Cubao o talagang isa syang malaking pakialamero. Usisain raw ba ako kung tiga-saan ako, at kung saan ako galing at bat ang layo ng byahe ko… Mawalang galang lang manong, ano bang paki-alam mo? Mukha ba akong batang ligaw?








